
Itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang international criminal at humanitarian law expert na si Peter Haynes bilang kanyang bagong lead counsel, kapalit ni Nicholas Kaufman, ayon sa dokumentong inilabas ng International Criminal Court (ICC) nitong Mayo 12, 2026.
Sa isang court filing sa ICC Trial Chamber III, ipinaalam ni Kaufman na si Haynes ang papalit bilang pangunahing abogado ni Duterte sa mga susunod na pagdinig, kabilang ang nakatakdang status conference sa Mayo 27, 2026.
Ayon kay Kaufman, nakipag-ugnayan na siya kay Haynes na kumpirmadong handa itong agad na tanggapin ang representasyon at na naayos na rin ang kanilang kasunduan sa mga tuntunin ng serbisyo.
Dagdag pa niya, naabisuhan na rin si Haynes tungkol sa mga nakatakdang deadline at tiniyak nitong makakadalo siya sa status conference.
Batay sa kanyang profile sa St. Philips Barristers, humawak si Haynes ng iba’t ibang kaso sa mga international tribunals tulad ng International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia at Special Tribunal for Lebanon. Sa ICC, dati na rin niyang kinatawan si Jean-Pierre Bemba na napawalang-sala sa appeals stage, at noong 2024 ay itinalaga rin siya upang kumatawan kay Joseph Kony sa mga in absentia proceedings.
Nagsilbi rin si Haynes bilang presidente ng International Criminal Court Bar Association mula 2019 hanggang 2021.










