Itinuring ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang petition for indirect contempt na inihain ni Atty. Ferdinand Topacio laban sa kanya bilang isang “publicity stunt” at “nuisance suit” na umano’y walang legal na batayan.

Inihain ng kampo ni Topacio ang petisyon sa Korte Suprema matapos akusahan si Sotto ng paglapastangan sa hudikatura kaugnay ng desisyon nito sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Sotto na nagpapahayag lamang siya ng pagtutol at hindi ito maituturing na indirect contempt sa ilalim ng Rule 71 ng Rules of Court, dahil wala naman umano siyang ginawang hakbang na nakasagabal sa administrasyon ng hustisya.

Binigyang-diin ng Senate President na protektado ng Konstitusyon ang kanyang pahayag bilang malayang pananalita.

Aniya, malinaw sa mga naunang desisyon ng Korte Suprema kabilang ang Estrada vs. Desierto, na hindi exempted sa kritisismo ang mga hukom at desisyon ng korte, maliban na lamang kung may malinaw at kasalukuyang banta sa pagbibigay ng hustisya.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Sotto, handa siyang tumugon sa petisyon sa sandaling utusan siya ng Korte Suprema na magsumite ng sagot.