Magsusumite ngayong Linggo ng rekomendasyon ang Philippine General Hospital o PGH sa Sandiganbayan kung kailangan pa ring manatili sa ospital si dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez.

Ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB, nakatakdang isumite ng PGH ang rekomendasyon alas-5 ng hapon matapos makumpleto ang mga medical test kay Romualdez.

Sinabi naman ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario na pag-uusapan din ng grupo ng mga espesyalista ang resulta ng mga isinagawang pagsusuri.

Dinala si Romualdez sa PGH mula Cardinal Santos Medical Center nitong Sabado para sa independent medical assessment. Layunin nitong matukoy kung kailangan niya ng hospital confinement o maaari nang ilipat sa Quezon City Jail.

Naaresto si Romualdez noong Lunes matapos maglabas ng warrant of arrest kaugnay ng ₱7.4-bilyong plunder case na isinampa ng Ombudsman laban sa kanya at tatlo pang indibidwal dahil sa umano’y kickback scheme sa mga flood control project.

-- ADVERTISEMENT --