Nagdagdag ang Philippine Army ng mga sundalo sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM bilang paghahanda sa kauna-unahang parliamentary elections ng rehiyon na nakatakda sa Setyembre 14.

Sa isang press briefing, sinabi ni Army Spokesperson Colonel Louie Dema-ala na mahigpit ang koordinasyon ng Philippine Army sa Philippine National Police o PNP at Commission on Elections o Comelec upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagsasagawa ng halalan.

Ayon kay Dema-ala, nagtalaga ang Army ng mga tauhan mula sa 28th Infantry Battalion, 75th Infantry Battalion, 2nd Special Forces Regiment Battalion, at Joint Special Operations Team bilang karagdagang pwersa ng 6th, 1st, at 11th Infantry Divisions. Hindi man ibinunyag ang eksaktong bilang ng mga idinagdag na tropa, sinabi niyang hindi bababa sa tatlong batalyon, o humigit-kumulang 1,500 sundalo, ang naipadala sa rehiyon.

Patuloy umanong nagsasagawa ng security operations ang mga sundalo, kabilang ang pagpapatupad ng gun ban, habang nakikipag-ugnayan din sa mga komunidad upang mapanatili ang kaayusan bago ang halalan.

Sinabi rin ni Dema-ala na wala pang namo-monitor na agarang banta mula sa mga lawless armed groups o anumang election-related incidents. Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng Army, PNP, at Comelec upang matugunan ang mga posibleng banta sa seguridad sa panahon ng eleksyon.

-- ADVERTISEMENT --