
Ipinagdiwang ng Pilipinas at New Zealand ang 60 taon ng kanilang ugnayang diplomatiko at paggawa sa pamamagitan ng Philippines-New Zealand Friendship Week na isinagawa sa Department of Migrant Workers (DMW) Central Office sa Mandaluyong City.
Binigyang-diin sa pagdiriwang ang matagal nang pagtutulungan ng dalawang bansa para sa kapakanan, kaligtasan at karapatan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa New Zealand.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, mahalaga ang mga kasunduan ng Pilipinas at New Zealand sa paggawa na naglalayong tiyakin ang maayos at responsableng pagkuha ng mga manggagawang Pilipino at protektahan ang kanilang mga karapatan.
Samantala, sinabi ni New Zealand Ambassador Dr. Catherine McIntosh na patuloy na lumalawak ang kooperasyon ng dalawang bansa sa kalakalan, edukasyon, agrikultura, renewable energy, depensa at seguridad, at ugnayan ng mga mamamayan.
Batay sa datos ng DMW, mahigit 38,000 OFWs ang kasalukuyang nasa New Zealand. Ayon naman kay McIntosh, nasa 70% ng mga manggagawa sa Mānuka honey industry ng New Zealand ay mga Filipino beekeeper.
Tampok sa Friendship Week ang mga pagtatanghal pangkultura, food tasting at life-sized kiwi bird display.










