Makikipagpulong ang mga opisyal ng Pilipinas sa mga executive ng online gaming platform na Roblox sa Singapore ngayong Huwebes upang talakayin ang mga hakbang para maprotektahan ang mga batang Filipino laban sa mapanganib na aktibidad sa platform.

Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, kasama sa delegasyon ang mga kinatawan ng National Bureau of Investigation, House of Representatives at Senado.

Pagtutuunan ng usapan ang dalawang hakbang na hindi pa umano ganap na naipatutupad ng Roblox—ang pag-uugnay ng user verification system nito sa Philippine national digital ID at pagtatatag ng tanggapan sa Pilipinas.

Nauna nang umanong nasunod ng Roblox ang tatlo sa limang hinihingi ng DICT, kabilang ang default parental controls, pagmo-monitor ng chats at age classification ng mga laro.

Isinasagawa ang pulong kasunod ng panawagan para sa mas mahigpit na regulasyon sa Roblox matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18, kung saan dalawang estudyante ang namatay at anim ang nasugatan.

-- ADVERTISEMENT --