Mahigpit na mino-monitor ng Pilipinas ang presensya ng dalawang Chinese military hydrographic survey vessels sa West Philippine Sea (WPS), habang patuloy na inaalam ng pamahalaan ang posibleng pakay ng mga ito sa karagatang sakop ng bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sa ngayon wala pang sapat na impormasyon para matukoy kung may kaugnayan ang presensya ng mga barko sa mga naging pahayag ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro hinggil sa soberanya ng Pilipinas.

Giit ni Castro, naaayon sa batas ang mga pahayag ni Teodoro at nakatuon ang mga ito sa pagtatanggol sa karapatan at interes ng bansa sa maritime domain.

Samantala, inihayag ni Castro na patuloy na bineripika ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ulat na namataan ang dalawang Chinese survey vessels sa WPS noong Setyembre 11.

Sinabi ni Castro na may mga barko ang PCG na nagbabantay sa lugar habang isinasagawa ang beripikasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa opisyal, ilalabas ng pamahalaan ang mga impormasyong maaaring ibahagi sa publiko kapag nakumpleto na ng PCG ang pagsusuri sa insidente.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12065, hindi maaaring magsagawa ng hydrographic o oceanographic survey ang mga dayuhang barko habang dumaraan sa archipelagic sea lanes nang walang paunang pahintulot mula sa Pilipinas.