
Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Statistics Authority ang mas pinaigting na sistema upang maprotektahan ang mga miyembro laban sa identity theft at mapigilan ang fraudulent claims.
Sa ilalim ng kanilang Memorandum of Agreement, gagamitin ang National ID o PhilSys sa pag-avail ng serbisyong medikal, kung saan maaari nang ma-verify ang identity ng miyembro sa real time sa pamamagitan ng PhilHealth Check Utility, kabilang ang biometric at records matching.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Edwin Mercado, layunin nitong gawing mas mabilis at mas madali ang proseso para sa mga pasyente.
Nakaangkla rin ang inisyatibong ito sa digitalization push ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa mga serbisyo ng pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Dennis Mapa na umaabot na sa 95 hanggang 115 milyong Pilipino ang rehistrado sa PhilSys.
Kasama rin sa inilunsad ang pagtatatag ng mga co-located offices—18 regional at 120 local health offices—kung saan maaaring magparehistro ang mga wala pang National ID.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapapabilis ang pag-access sa benepisyo sa ilalim ng YAKAP at GAMOT programs ng PhilHealth.










