
Nagpaabot ng pakikipag-ugnayan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamilya ng isang pumanaw na miyembro matapos kumalat sa social media ang reklamo na umano’y hindi ito nabigyan ng benepisyo.
Ayon sa PhilHealth, agad silang kumilos upang alamin at tugunan ang insidente at nakipag-ugnayan na sa asawa ng miyembro upang pag-usapan ang mga susunod na hakbang at posibleng tulong.
Sinabi rin ng ahensya na nakikipag-ugnayan na sila sa mga ospital na sangkot upang masuri ang naging proseso sa kaso.
Nauna rito, umani ng atensyon online ang post ng asawa ng pumanaw na miyembro kung saan iginiit niyang hindi ito nakakuha ng benepisyo dahil wala pang 24 oras na na-confine sa ospital ang kanyang asawa.
Giit ng PhilHealth, patuloy silang nakikisimpatya sa pamilya at tinitiyak na mananatili silang katuwang ng mga miyembro sa oras ng pangangailangan.










