Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa publiko na maging mapagmatyag matapos ang paglulunsad ng China ng Long March 10B rocket nitong Biyernes, dahil sa posibilidad na may bumagsak na bahagi nito sa karagatan sa kanluran ng Pilipinas.

Ayon sa PhilSA, inilunsad ang rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan bandang alas-12:16 ng tanghali. Tinatayang nasa drop zone ng mga debris ang bahagi ng South China Sea na humigit-kumulang 180 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc, 281 nautical miles mula sa Patag Island, at 298 nautical miles mula sa Bolinao, Pangasinan.

Bagama’t hindi inaasahang babagsak ang mga debris sa kalupaan o mataong lugar, sinabi ng PhilSA na maaari pa rin itong magdulot ng panganib sa mga barko, eroplano, bangkang pangisda at iba pang sasakyang-dagat na daraan sa naturang lugar. Posible rin umanong lumutang ang mga debris at mapadpad sa kalapit na baybayin, kaya hinikayat ng ahensya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga lokal na awtoridad kung may makitang hinihinalang bahagi ng rocket.