Nasa P1.3 bilyon lamang ang naaprubahang maisama sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2027 budget ng Philippine Sports Commission (PSC), batay sa inilahad ni Senate Committee on Sports Chairman Sen. Bong Go sa budget hearing para sa sektor ng sports ngayong Miyerkules.

Ayon kay Go, P21 bilyon ang hiniling na budget ng PSC sa Department of Budget and Management (DBM), ngunit anim na porsiyento lamang nito ang naaprubahang maisama sa NEP. Katumbas umano ito ng 0.018 porsiyento ng kabuuang P7.2 trilyong pambansang budget para sa susunod na taon.

Binigyang-diin ni Go na mahalagang mabigyan ng sapat na resources ang mga atletang Pilipino upang masuportahan ang kanilang paghahanda at paglahok sa mga international competition.

Bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance na humahawak sa budget para sa sports, sinabi rin ni Go na patuloy niyang isinasaalang-alang ang pangangailangan ng PSC sa pagtalakay sa pondo para sa sektor.

Kasabay nito, binigyang-diin ng senador ang wastong paggamit ng National Sports Development Fund (NSDF) upang matiyak na mapapakinabangan ito ng mga atleta. Hiniling din niya sa mga opisyal ng PSC na tiyaking magagamit ang pondo para sa training, allowances, pamasahe, at iba pang pangangailangan ng mga national athlete.

-- ADVERTISEMENT --