
Bumagsak ang Philippine Stock Exchange index o PSEi nitong Miyerkoles dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at paghina ng piso sa gitna ng muling paglala ng tensyon sa Middle East.
Bumaba ng 1.70% o 106.36 puntos ang PSEi at nagsara sa 6,158.34, habang umabot naman sa halos ₱62 kada dolyar ang piso sa intraday trading.
Ayon sa mga analyst, nag-ingat ang mga investor dahil sa pangamba sa posibleng pagtaas ng inflation at borrowing costs kapag nagpatuloy ang paghina ng piso at pagtaas ng presyo ng krudo.
Lahat ng sectoral indices ay nagtapos sa negatibong teritoryo, kung saan pinakamalaki ang ibinaba ng services sector na 2.68%.
Samantala, umabot sa ₱5.68 bilyon ang halaga ng mga naipagpalitang shares, habang nakapagtala ng net foreign outflow na ₱865.09 milyon.
Ayon sa mga analyst, patuloy na mino-monitor ng mga investor ang sitwasyon sa Middle East dahil maaaring manatiling mataas ang presyo ng langis kung magpapatuloy ang tensyon. Para sa Pilipinas na umaasa sa importasyon ng langis, maaari itong magdagdag sa inflationary pressures at lalo pang magpahina sa piso.










