
Itinampok sa ika-9 na VST ECS CXO Tech Summit sa Boracay ang pagpapalawak ng paggamit ng artificial intelligence (AI) mula sa pagsubok tungo sa aktuwal na operasyon ng mga negosyo.
Dumalo sa apat na araw na pagtitipon, na nagsimula nitong Oktubre 20, ang mga pinuno at eksperto sa information technology mula sa iba’t ibang industriya, kabilang ang pagbabangko, healthcare, telecommunications at manufacturing.
Ayon kay VST ECS President at CEO Jimmy Go, ginagamit na ng mga nangungunang negosyo ang AI sa demand forecasting, software development at customer service.
Gayunman, kabilang sa mga hamon ang kakulangan sa memory at storage hardware na maaaring makaantala sa mga deployment hanggang 2027, gayundin ang pagsunod sa mga pamantayan sa pag-iingat at paghawak ng sensitibong datos.
Binigyang-diin din ni Go na mahalaga pa rin ang digital workforce, at magiging bentahe sa mga manggagawa ang kakayahang gumamit ng AI.
Tampok sa summit hanggang Oktubre 23 ang 24 technical sessions na nakatuon sa cybersecurity at cloud infrastructure, gayundin ang mga demonstrasyon mula sa 52 technology partner booths.









