Iginiit ng private prosecutor ng House prosecution na si Atty. Benjamin Tolosa Jr. na maaaring ituring na katumbas ng orihinal ang mga photocopy ng dokumentong iniharap bilang ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, alinsunod sa binagong Rules of Evidence.

Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni Tolosa na sa ilalim ng 2019 Amended Rules on Evidence, ang duplicate o photocopy ay maaaring tanggapin bilang orihinal kung walang tunay na usapin tungkol sa pagiging tunay o authenticity ng dokumento.

Paliwanag ni Tolosa, hindi sapat na batayan ang pagkakaiba sa mga marka gaya ng “certified true copy” upang kuwestiyunin ang pagiging tunay ng dokumento, kung malinaw na tapat itong reproduksyon ng orihinal.

Nilinaw rin niya na ang naturang panuntunan ay nalalapat lamang sa mga dokumentong inihaharap bilang ebidensya sa hukuman at hindi sa pangkaraniwang transaksyon, tulad ng paggamit ng photocopy ng pasaporte sa pagbiyahe.

Ang pahayag ni Tolosa ay kasunod ng paulit-ulit na pagtutol ng depensa sa paggamit ng mga photocopied na dokumento ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

-- ADVERTISEMENT --