TUGUEGARAO CITY- Hinigpitan na ng Piat, Cagayan ang pagpapasok ng mga alagang baboy dahil sa African Swine Fever (ASF).
Sinabi ni Mayor Carmelito Villaciete ng Piat, mayroon nang inilagay na mga animal quarantine checkpoints katuwang ang PNP at Department of Agriculture sa lahat ng entry points ng Piat.
Ayon kay Villaciete, layunin nito na matiyak na walang makakapasok na anumang alagang baboy na apektado ng ASF.
Ito ay kasunod ng kumpirmadong kaso na ng ASF sa ilang bayan sa Isabela at Kalinga.
Maging ang bayan ng Iguig ay naglatag na rin ng checkpoint laban sa ASF.
Matatandaan, sinabi ni Narciso Edillo, executive director ng DA Region 2 na kailangan na magpasa ng ordinansa ang mga Local Government Units laban sa ASF upang matiyak na hindi lalawak pa ang mga lugar na apektado ng nasabing virus sa Region 2.