
Muling kinilala ng Pilipinas at 13 iba pang bansa ang 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea na kumikilala sa karapatan at soberanya ng Pilipinas sa karagatan.
Sa inilabas na pahayag ng Pilipinas kasama ang Estados Unidos, Australia, Canada, United Kingdom, Japan, Germany, New Zealand, Italy, Estonia, Latvia, Lithuania, Romania, Slovenia, at maging ang European Union (EU), iginiit na dapat lutasin ang mga alitan sa karagatan sa mapayapang paraan at alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Iginiit din nila na ang desisyon ng arbitral tribunal ay pinal, legal na may bisa, at naglilinaw sa karapatan ng Pilipinas at China sa mga usaping tinukoy sa kaso.
Nanawagan din sila na itigil ang anumang kilos na gumagamit ng puwersa o pananakot na maaaring magdulot ng kaguluhan sa rehiyon, kabilang ang pangha-harass sa mga lehitimong operasyon ng ibang bansa sa karagatan.










