Nag-uusap ngayon ang gobyerno ng Pilipinas at New Zealand para sa posibleng pagpasok ng durian exports sa merkado ng New Zealand.
Ito ang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang isinagawang bilateral meeting kasama si New Zealand Prime Minister Christopher Luxon sa sidelines ng 44th at 45th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Meetings sa Laos, noong nakaraang Biyernes.
Sinabi naman ni Prime Minister Christopher Luxon ang lumalagong kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa sa larangan ng kalakalan at ekonomiya.
Nauna rito, hiniling ng Wellington ang market access para sa kanilang sibuyas sa Pilipinas.
Sinabi ng Malakanyang na patuloy ang konsultasyon sa pagitan ng Department of Agriculture at Ministry for Primary Industries of New Zealand, at inaasahan na makukumpleto ang pag-uusap sa malapit na hinaharap.
Sa ngayon nagtutulungan ang Pilipinas at New Zealand para palakasin ang kanilang diplomatic ties at isinasapinal ang Proposed Roadmap to Comprehensive Partnership 2024-2025.