Hindi kabilang ang Pilipinas sa iniulat na listahan ng mga bansang sinuspinde ng administrasyong Trump ang pagproseso ng mga visa papuntang Amerika.

Ito ang inihayag ni Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez.

Ang Pilipinas ang pinakamatandang kaalyado ng Amerika sa Asya base sa kasunduan o tratado.

Ayon sa ulat ng Fox News, sinabing pansamantalang ititigil ng US State Department ang lahat ng pagproseso ng visa para sa mga bisita mula sa 75 bansa simula sa Enero 21.

Batay sa isang memorandum mula sa State Department, kabilang umano sa listahan ang Somalia, Russia, Iran, Afghanistan, Brazil, Nigeria, at Thailand.

-- ADVERTISEMENT --

Noong nakaraang Nobyembre, iniutos ni US President Donald Trump ang malawakang pagsusuri sa mga kaso ng asylum at mga green card o permanent residence permit na ibinigay sa mga dayuhan matapos mapatay ng isang Afghan national ang isang miyembro ng National Guard sa Washington, D.C.

Ayon sa ulat, inatasan ng State Department ang mga embahada ng US na huwag magbigay ng mga visa alinsunod sa umiiral na batas habang muling sinusuri ng departamento ang mga pamamaraan nito.

Mula nang bumalik sa White House, mahigpit na ipinatutupad ni Trump ang mga batas sa imigrasyon at iniutos ang malawakang deportasyon ng mga iligal na migrante na isa sa kanyang pangunahing pangako sa kampanya.