Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi isusuko ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng bansa sa anumang dayuhang kapangyarihan.

Kasunod ito ng mungkahi ng isang oposisyong senador na isuko ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan.

Sa gitna ng mungkahi ng isang oposisyong senador na isuko ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan, muling nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi isusuko ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng bansa sa anumang dayuhang kapangyarihan.

Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, ipagpapatuloy ng Presidente ang kaniyang polisiya na ipaglalaban ang teritoryo ng bansa.

Inulit ni Castro ang posisyon ng Pangulo matapos sabihin ni Sen. Rodante Marcoleta na ang ilang bahagi ng KIG ay “way beyond” na ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Castro na sa pagkontra sa ilegal na pag-angkin ng China sa KIG at iba pang mga anyong-lupa sa West Philippine Sea, dapat manaig ang diplomasya, partikular sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang Kalayaan ang nag-iisang munisipalidad ng bansa sa Spratly Islands at kabilang sa lalawigan ng Palawan, kung saan naitatag na ang mga pangunahing serbisyong pampamahalaan gaya ng munisipyo, paaralan, health center at airstrip.