Itinanggi ng Pilipinas ang pahayag ng Chinese state media na sinira umano ng kanilang lumang barko na nakadikit sa Ayungin Shoal ang mga coral reef sa lugar, at ipinahayag na ang Beijing ang naninira sa natural habitat at kabuhayan ng libu-libong mangingisda ng Pilipino sa pamamagitan ng kanilang ilegal na pagtatayo ng mga isla.

Sa isang pahayag, sinabi ni Jonathan Malaya, tagapagsalita ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS), na nanawagan sila para sa isang third-party marine scientific assessment sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Malaya na ang pagkasira ng Tsina sa marine environment ay napatunayan na ng Permanent Court of Arbitration noong 2016, kung saan nilabag ng Tsina ang batas sa pagtatayo ng malalaking artipisyal na isla sa Mischief Reef na nagdulot ng permanent at irreparable harm sa coral habitat ng nasabing isla at nagpatuloy ng malalaking pagtatayo ng mga isla at imprastruktura sa Cuarteron Reef, Fiery Cross Reef, Gaven Reef, Johnson Reef, Hughes Reef, at Subi Reef .

Ito rin ang parehong 2016 ruling ng tribunal sa The Hague na pumabor sa Pilipinas at binasura ang malawakang claim ng Tsina sa South China Sea.

Sa kasalukuyan, ang artificial islands ay ginagamit na ng Tsina bilang mga military base, dagdag pa ng tagapagsalita ng NTF-WPS.

-- ADVERTISEMENT --