Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lalo pang paiigtingin ng Pilipinas at ng mga kasapi ng ASEAN ang pakikipagtulungan sa South Korea para sa kapayapaan, seguridad, at kaunlaran ng rehiyon.

Sa 26th ASEAN–Republic of Korea Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia, sinabi ng Pangulo na patuloy ang kooperasyon sa mga larangan ng kaligtasan, ekonomiya, at pangangalaga sa kalikasan upang matugunan ang mga hamon ng makabagong panahon.

Isa sa mga binigyang-diin ng Pangulo ay ang cybersecurity, sa pamamagitan ng ASEAN Cyber Shield Project, na layong sanayin ang mga eksperto at palakasin ang proteksyon ng mga bansa laban sa mga cyber attacks.

Sa usapin naman ng karagatan, tiniyak ni Pangulong Marcos na nananatiling matatag ang ugnayan ng ASEAN at South Korea para mapanatili ang kapayapaan at patas na paggamit ng karagatan, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Aktibo rin ang Pilipinas sa mga programa laban sa illegal, unreported, and unregulated (IUU) fishing, katuwang ang South Korea at Estados Unidos, upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, binigyang halaga rin ng Pangulo ang mga proyektong pangkalikasan ng South Korea gaya ng Clean Air for Sustainable ASEAN at Methane Mitigation Cooperation na layong mapanatili ang malinis na hangin at ligtas na kapaligiran para sa mga mamamayan.

Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang tuloy-tuloy na suporta ng South Korea sa mga maliliit na negosyo at startup, at sa mga programang pangkultura gaya ng ASEAN-Korea Music Festival at Film Community Programme na nagpapalapit sa mga mamamayan ng rehiyon.

Sa huli, tiniyak ng Pangulo na mananatiling buo ang samahan ng ASEAN at South Korea sa pagtutulungan para sa kapayapaan, pag-unlad, at mas maunlad na kinabukasan para sa lahat.