Nanawagan ang Department of Foreign Affairs o DFA sa China na agad itigil ang umano’y ilegal na okupasyon at mga aktibidad nito sa Panganiban Reef o Mischief Reef at Zamora Reef o Subi Reef sa West Philippine Sea.

Iginiit ng DFA na may sovereign rights at jurisdiction ang Pilipinas sa mga naturang lugar, batay sa Philippine Maritime Zones Act at sa 2016 Arbitral Award.

Ang pahayag ng DFA ay kasunod ng ulat ng Philippine Coast Guard na nagpaputok umano ng maraming flare ang Chinese forces patungo sa isang walang armas na PCG aircraft na nagsasagawa ng routine maritime domain awareness flight sa Kalayaan Island Group nitong Lunes.

Ayon sa PCG, hinarang sa radyo ng Chinese forces na nasa Zamora Reef ang sasakyang panghimpapawid bago ito lumapag sa Pag-asa Island, bago umano nagpaputok ng mga flare.

Iniulat ding gumawa ng kaparehong hakbang ang Chinese forces na nasa Panganiban Reef.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa DFA, hindi nagbabago ang legal na katayuan ng dalawang bahura bilang low-tide elevations kahit nagsagawa ang China ng island-building activities dito.

Iginiit ng ahensya na alinsunod sa international law at 2016 arbitral ruling, hindi maaaring angkinin bilang teritoryo o ariin ng anumang bansa ang mga naturang feature.

Sinabi ng DFA na patuloy nitong igigiit ang soberanya, sovereign rights at jurisdiction ng Pilipinas sa West Philippine Sea at ipagtatanggol ang lehitimong karapatan at interes ng bansa sa maritime domain.