Pinag-aaralan ng Pilipinas ang posibleng pakikipagtulungan sa Russia kaugnay ng paggamit ng small modular nuclear reactors bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon sa pangangailangan ng bansa sa enerhiya.

Ayon kay Igor Bailen, kabilang ang Russia sa mga bansang may kakayahan sa teknolohiyang ito, lalo na sa paggamit ng floating nuclear power plants. Aniya, kasalukuyang nagsasagawa ang Department of Energy ng pag-aaral at cost-benefit analysis alinsunod sa mga pamantayan ng International Atomic Energy Agency upang matukoy ang posibilidad ng paggamit ng nuclear energy sa bansa.

Ipinaliwanag ni Bailen na mahalaga ang pag-aaral na ito dahil nananatiling mataas ang halaga ng kuryente sa Pilipinas at hamon ang paghahatid ng enerhiya sa iba’t ibang isla bilang isang arkipelago. Bukod sa Russia, pinag-aaralan din umano ng China, Japan, Canada at France ang paggamit ng small modular reactors na gumagamit ng tubig-dagat bilang cooling mechanism.

Samantala, sinabi rin ng embahador na handang tumulong ang Russia sa pagtugon sa pangangailangan ng Pilipinas sa langis at iba pang pinagkukunan ng enerhiya. Nauna nang inanunsyo ng DOE ang pakikipagtulungan nito sa National Power Corporation at Aboitiz Power Corporation para sa feasibility study ng mga posibleng lokasyon ng mga nuclear power plant, kabilang ang Bataan Nuclear Power Plant, bilang bahagi ng plano ng bansa na isama ang nuclear energy sa energy mix pagsapit ng 2032.