Dinagdagan pa ng NIA-Magat River Integrated Irrigation System ang pinapakawalang tubig mula sa Magat Dam bilang paghahanda kay Bagyong Nando
Mula sa isang metro, ibubukas nang todo ang isang spillway gate o gawing dalawang metro ngayong umaga ng Linggo.
Magpapakawala ito ng 345 cubic meters per second (cms) ng tubig na posible pang magbago, depende sa dami ng inaasahan at aktwal na pag-uulan sa Magat Watershed.
Sa pinakahuling datos ng NIA-MARIIS, umakyat na sa 185.44 meters above sea level ang antas ng tubig sa dam, dahil umabot pa sa halos 1,500 cubic meters per second ang pumapasok ditong tubig. Ito ay katumbas ng mahigit 7,000 drums ng tubig sa kada-segundo.
Unang bahagi ng kasalukuyang buwan, nagsimulang magpakawala ang dam dahil sa Habagat, hanggang sa ibinaba ito sa kahalating metro nitong nagdaang mga araw.
Samantala, handa na ang mga early warning system ng NIA-MARIIS para magbigay-abiso sa mga bayang direktang dadaanan ng tubig sa Magat River.