Umaasa si Congressman Joseph Lara ng ikatlong distrito ng Cagayan na dadalo sa pagdinig ng Committee on Games and Amusement at Committee on Public Order and Safety ng kamara ang mga opisyal at mga dating opisyal ng Cagayan Economic Zone Authority o CEZA.
Sinabi ni Lara na ito ay matapos na mabanggit sa mga pagdinig sa mga Philippine offshore gaming operators (POGOs) na may mga POGOs malapit sa EDCA sites sa lalawigan.
Ayon kay Lara bago pa man ang State of the Nationa Address ni Pangulong Ferdinand Marcos at ipinag-utos ang pagbabawal sa lahat ng POGO ay nagsagawa na ng moto propio inquiry ang mga nabanggit na komite sa pagkakadawit ng CEZA sa pagkakaroon ng 10 umano na POGO.
Sinabi ni Lara na dapat pa rin na magbigay linaw ang CEZA sa nasabing usapin sa kabila ng itinanggi ng PAGCOR na may inisyu na license ng POGO sa CEZA.
Ayon naman kay CEZA Administrator Katrina Ponce na ang ibinibigay ng CEZA ay interactive gaming licenses at hindi offshore gaming licenses.
Sinabi ni Lara na dapat na malinawan kung ang sinasabi ng CEZA na interactive gaming licenses ay katulad din ng POGO at pinalitan lamang ang pangalan.
Idinagdag pa ni Lara na hindi saklaw ng PAGCOR ang CEZA dahil mayroon itong sariling charter na nag-iisyu ng gaming licenses.