Tinatayang aabot P100k ang pinsalang iniwan ng sunog sa natupok na bahay ng isang pamilya sa bayan ng Ballesteros, Cagayan.

Sa panayam kay SFO4 James Duterte, Fire Marshal ng BFP Ballesteros, ang bahay ay pagmamay-ari ni Ronald Fernandez kung saan habang abala sila sa paghahanda sa isang okasyon ng nagulat na lamang sila ng biglang may pumutok sa taas ng kanilang bahay.

Sinabi nito na batay sa kanilang pagsisiyasat ay nagkaroon ng short circuit sa wirings ng kuryente sa taas ng kanilang bahay at dahil sa kalumaan ng insulator ng live wire ay mabilis itong nasira at umapoy na agad namang tumupok sa bahay na gawa sa light materials.

Kaugnay nito, aminado naman si Duterte na hindi nila agad narespondehan ang sunog dahil depektibo ang kanilang firetruck at kinailangan pa nilang tumawag sa BFP Abulug at BFP Allacapan na nakarating sa lugar pagkalipas ng nasa 15 minuto.

Inihayag niya na tumagal din ng halos 20-30 minuto bago naapula ng mga tagapamatay sunog ang apoy na tumupok sa bahay ng mga biktimang walang naisalbang gamit.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman ay wala namang nasaktan at iba pang bahay na nadamay matapos ang insidente at sa ngayon ay pansamantalang nakitira sa kanilang mga kaanak ang pamilya ng biktima.

Nabatid mula kay Duterte na buwan ng Abril pa na hindi available ang kanilang firetruck kung kayat agad silang nagrequst para maayos ito habang humihiling din aniya sila ng karagdagan at bagong firetruck upang may magamit na pagresponde sa mga insidente ng sunog.