Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkamatay ni Leah Mosquera, ang Filipina caregiver na nagtamo ng injuries sa missile attack sa Rehovot, Israel noong June 15.
Ayon sa DFA, ipinaalam sa kanila ng kapatid na babae ni Mosquera, na isa ring overseas Filipino worker sa Israel ang pagkamatay ng kanyang kapatid.
Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Tel Aviv sa mga kinauukulan para sa mabilis na repatriation ng mga labi ni Mosquera.
Pinasalamatan din ng DFA ang medical personnel ng Israel na umasikaso kay Mosquera habang siya ay nasa ospital, maging sa Filipino community sa Israel na sumuporta sa kanya at sa kanyang pamilya sa panahon ng kanyang pananatili sa pagamutan.
Isa si Mosquera sa casualties nang tumama ang missile sa residential building sa Rehovot, timog ng Tel Aviv, sa gitna ng giyera sa pagitan ng Iran at Israel nitong nakalipas na buwan.
Na-confine si Mosquera ng ilang linggo sa matinding tinamong pinsala bago siya bawian ng buhay.
Nasa 30,000 Filipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa israel, karamihan ay caregiver at household workers.
Patuloy ang pagsubaybay ng pamahalaan sa security situation, at pinayuhan ang mga Filipino sa Israel na manatiling alerto at sumunod sa local safety protocols.