Naglabas ng pink na usok mula sa flares ang mga babaeng katoliko sa isang parke sa burol na matatanaw ang dome ng St Peter’s at Vatican headquarters, upang iparating ang kanilang kahilingan na mapakinggan ang kanilang boses, at mapayagan sila na maghangad ng ordination.

Ginawa ito ng mga campaigner kasabay ng unang araw ng conclave kahapon para sa pagpili ng bagong Santo Papa.

Binigyang-diin ni Miriam Duignan, ang Wijngaards Institute sa Cambridge, hindi dapat na binabalewala ng mga cardinal ang 50 percent ng populasyon ng Catholic Church, at magkulong sa isang silid para talakayin ang kinabukasan ng simbahan na hindi kasama ang kalati ng populasyon ng simbahan.

Iginiit niya na sinoman ang mapipili na susunod na Santo Papa, ay dapat na maging matapang para talakayin ang issue ng inclusion ng mga babae, dahil hanggang ngayon ay hindi pa ito natutugunan, maging ni Pope Francis.

Saglit na ikinulong si Duignan noong 2011 matapos na tinangka niyang pumasok sa Vatican para ihatid ang petisyon bilang suporta sa isang pari na sang-ayon sa isinusulong ng mga aktibista.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Duignan, sa tuwing pumupunta sila sa St Peter’s square, ikinukulong sila at hindi sila imbitado na pumunta sa conclave.

Ayon sa kanya, ang mga babae na makikita lamang sa susunod na mga araw ay mga madre na maglilinis ng kanilang mga silid at magluluto ng kanilang mga pagkain sa Santa Marta guesthouse sa sandaling matapos na ang conclave.

Kaugnay nito, kinilala ni Duignan na itinaas ni Pope Francis ang papel ng ilang babae sa simbahan, subalit mas mababa pa rin ang kanilang estado at authority kumpara sa mga lalaki.

Sinabi ni Duignan na habang hinihintay ng mundo ang puti o itim na usok, nagpadala sila ng pink smoke para sa kanilang pag-asa na balang araw ay tatratuhin ang mga babae na kapantay.

Tinawag naman ni French activist Gabrielle Fedelin na “sin and scandal” na hindi isinasama ang mga babae sa priesthood at sa conclave.