Kinumpirma ng Philippine Consulate General in New York ang pagkakaaresto ng isang Filipino ng US Immigration and Customs Enforcement o ICE sa Jersey City, New Jersey noong nakaraang linggo.

Ayon kay Philippine Consul General in New York at Ambassador-designate to Cambodia Senen Mangalile, tubong Cebu ang Filipino at kasalukuyang nakadetine sa isang ICE detention facility sa Elizabeth, New Jersey.

Tumanggi ang Konsulado na ibunyag ang pagkakakilanlan nito dahil sa kahilingan ng pamilya na panatilihing pribado ang kaso habang inihahanda ang pagharap nito sa immigration court. Mabuti naman umano ang kondisyon ng Filipino at mayroon na itong sariling abogado.

Batay sa impormasyon ng Konsulado, dekada na ang nakalipas nang makapasok sa Estados Unidos ang Filipino gamit ang athlete visa sa ilalim ng Gintong Alay sports program. Inaresto umano siya matapos sitahin sa traffic stop sa New Jersey.

Samantala, iniulat din ng Konsulado ang matagumpay na pagpapauwi sa Pilipinas ng dalawang Filipino na humingi ng tulong. Isa sa kanila ay biktima umano ng abusive relationship, habang ang isa naman ay turistang wala nang sapat na pera para makauwi.

-- ADVERTISEMENT --

Wala namang natanggap na ulat ang Konsulado tungkol sa iba pang Filipino na kasalukuyang detained ng ICE sa kanilang nasasakupan.