Nanganganib ma-deport pabalik sa Pilipinas si Sonny Lasquite, isang 44-anyos na green card holder mula Pampanga, matapos siyang arestuhin ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) noong Hulyo 28 sa Charlotte International Airport, North Carolina.

Ayon sa tala ng korte, nahatulan si Lasquite noong 2012 dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga ngunit pinatawan lamang ng “time served” matapos tumulong sa mga awtoridad sa pagbuwag ng isang international drug syndicate.

Bagama’t naging susi ang kanyang kooperasyon sa pagkakakulong ng pitong katao, kabilang ang lider ng grupo, ipinaliwanag ng immigration lawyer na si Arvin Amatorio na hindi ito garantiya para maiwasan ang deportation.

Dahil sa bigat ng kanyang dating kaso, maaari pa ring maalis si Lasquite sa US sa ilalim ng immigration law, na mahigpit sa mga may kasong may kinalaman sa droga.

Sa kasalukuyan, nakakulong si Lasquite sa Stewart Detention Center sa Georgia habang nakikipag-ugnayan ang kanyang pamilya sa Philippine Embassy para sa posibleng legal na tulong.

-- ADVERTISEMENT --

Isa sa mga tanging opsyon na natitira sa kanya ay ang paghiling ng proteksyon sa ilalim ng Convention Against Torture o post-conviction relief kung mapapatunayang may panganib sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.