
Nagbabala ang United Nations (UN) na maaaring umabot sa $3.6 bilyon ang magiging epekto ng kasalukuyang Ebola outbreak sa ekonomiya ng Africa at magdulot ng pagkawala ng mahigit 328,000 trabaho kung hindi agad mapipigilan ang pagkalat ng sakit.
Ayon sa UN, ang pagkalat ng Bundibugyo strain ng Ebola—na wala pang aprubadong bakuna—ay maaaring humantong sa mas malawak na krisis. Batay sa datos ng pamahalaan ng Democratic Republic of Congo, umabot na sa 1,307 ang nahawahan at 377 ang nasawi mula nang ideklara ang outbreak noong Mayo 15. May naitala na rin umanong mga kaso sa Uganda, habang may pangamba na maaari pa itong kumalat sa mga karatig-bansa.
Sinabi ni United Nations Development Programme (UNDP) Congo Resident Representative Damien Mama na maaari pang makontrol ang outbreak kung agad na maibibigay ang kinakailangang suporta at pondo. Ngunit kung mabibigong mapigil ang pagkalat ng virus, maaari itong magdulot ng mas malalim at pangmatagalang krisis sa ekonomiya at pag-unlad ng rehiyon.
Batay sa mga projection ng UNDP, maaaring umabot sa $1 bilyon ang mawawala sa gross domestic product (GDP) ng Congo kung mananatiling kontrolado ang outbreak. Sa pinakamasamang sitwasyon, kung kakalat ang Ebola sa iba pang bansa at sasabay sa pagtaas ng presyo ng langis dahil sa pandaigdigang krisis, maaari umanong umabot sa $3.6 bilyon ang magiging pinsala sa ekonomiya ng Africa.










