Umabot na sa P32.83 milyon ang pinsalang dulot ng pagputok ng Bulkang Kanlaon sa sektor ng agrikultura, ayon sa Negros Occidental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Ayon sa ulat mula sa Office of the Provincial Agriculturist, tinatayang nasa mahigit P29 million ang pinsala sa mga high-value commercial crops, habang ang pinsala sa palay ay mahigit P2 million at sa mais ay mahigit P500,000.
Sinabi rin sa ulat na ang pinsala sa mga livestock ay umabot sa mahigit P268,000 at sa aquaculture naman ay P214,000, batay sa datos na nakalap hanggang Disyembre 21.
Ayon sa pinakahuling bulletin ng Department of Agriculture (DA) operation center, 297 ektarya ng mga taniman ang naapektuhan, at tinatayang 832 metric tons (MT) ng produksyon ang nawalan.
Sa report ng DA regional office sa Western Visayas na aabot sa 780 magsasaka ang apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon noong Disyembre 9.
Ayon pa sa DA, nasa 1,010 hayop ang inilikas at dinala sa mga evacuation site sa La Castellana at La Carlota.
Ang mga apektadong magsasaka ay maaaring mangutang ng P25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery program ng Agricultural Credit Policy Council. Ang SURE loan ay may tatlong taong termino at walang interes.
Ipinangako rin ng DA na bibigyan ng indemnidad ang mga insured na magsasaka sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation.