
Lumakas ang piso laban sa US dollar sa ikalawang sunod na araw ng trading ngayong Miyerkules, habang bumagsak naman ang pangunahing index ng Philippine Stock Exchange o PSEi.
Nagsara ang piso sa ₱62.739 kada isang dolyar, mas malakas kumpara sa ₱62.835 noong Martes.
Ayon sa economist na si Michael Ricafort ng RCBC, nakatulong sa pag-angat ng piso ang bahagyang pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Bumaba ng mahigit 1% ang Brent crude futures sa nasa $107 kada bariles, habang nasa $104 kada bariles naman ang West Texas Intermediate.
Samantala, bumagsak ng 90.84 puntos o 1.51% ang PSEi sa 5,916.94, habang lumiit naman ng 42.46 puntos o 1.26% ang All Shares index sa 3,300.26.
Ayon kay Regina Capital Development Corp. head of sales Luis Limlingan, naapektuhan ang market sentiment ng pangamba sa posibleng mabagal na paglago ng ekonomiya sa ikatlong quarter, gayundin ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Mahigit 612.5 milyong shares na nagkakahalaga ng ₱5.892 bilyon ang na-trade.
Mas marami ang bumagsak na stocks kaysa sa mga umakyat, 139 laban sa 54, habang 58 naman ang hindi nagbago.






