
Umabot na sa ₱64 kada isang US dollar ang palitan ng Philippine peso ngayong Martes, October 27, na panibagong pinakamahinang antas sa kasaysayan.
Batay sa datos ng Bankers Association of the Philippines (BAP), naitala ang ₱64 kada dolyar sa intraday trading ngayong umaga, matapos magbukas ang palitan sa ₱63.95.
Ito ang unang pagkakataong umabot sa ₱64 level ang palitan ng piso laban sa dolyar, bagama’t hindi pa ito ang opisyal na closing rate ngayong araw.
Mababatid na kahapon lamang, October 26, nagtala ng panibagong all-time closing low ang piso sa ₱63.95 kada dolyar, mas mahina ng 33.5 sentimos kumpara sa ₱63.615 noong Biyernes.
Ikatlong sunod na trading day na rin kahapon na nagtala ng record-low closing rate ang piso, matapos magsara sa ₱63.52 noong October 22 at ₱63.615 noong October 23.
Kung ikukumpara sa ₱62.775 na closing rate noong October 1, umabot na sa ₱1.225 ang paghina ng piso laban sa dolyar batay sa naitalang ₱64 intraday level ngayong Martes.
Inaasahang ilalabas bandang alas-kuwatro mamayang hapon ang opisyal na closing rate upang matukoy kung magtatala ang piso ng ikaapat na sunod na trading day na may bagong record-low closing rate.










