TUGUEGARAO CITY- Umabot sa Pitong bayan sa Cordillera ang itinuturing ng Police Regional Office- Cordillera Administrative Region (PROCOR) na nasa red category ng election areas of concern, partikular na sa lalawigan ng Kalinga.
Sinabi ni PROCOR Regional Operations Chief PLt. Sibly Dawiguey Jr. na sa ginanap na 3rd Regional Joint Security Control Center Command Conference and 2nd Regional COMELEC Campaign Committee Meeting, kabilang sa red category election hotspot areas ang bayan ng Tinglayan, Rizal, Balbalan, Lubuagan, Pasil, Pinukpuk, at ang lungsod ng Tabuk sa Kalinga.
Kabilang naman sa Orange Category ang bayan ng Sagada at Besao sa Mountain Province habang Nasa yellow category ang Conner sa Apayao, Tanudan sa Kalinga, at Bangued, Dolores, Peñarrubia, Pidigan, Pilar, San Juan, Tayum, Tineg at Lagayan sa lalawigan ng Abra.
Ang mga lugar na nasa yellow category ay mayroong kasaysayan ng election violence, ang Orange Category ay may presensiya ng private armed groups at may intense political rivaly habang ang red category ay kumbinasyon ng classification ng yellow at orange category bukod sa idineklara sa ilalim ng COMELEC control.
Ayon kay Dawiguey, patuloy pa rin ang pagbabantay nila sa posibleng resurgence ng mga gun for hire o Communist Terrorist Groups na nambibiktima sa mga pulitiko, maging ang pagpapatupad nila ng iba pang hakbang upang maiwasan ang anumang krimen ngayong halalan.
Sinabi naman ni 503rd Infantry Brigade Deputy Commander Col. Christopher Sab-it na tinututukan nila ang siyam na nabanggit na areas of concern sa Abra, pitong bayan sa Kalinga, at isa sa Apayao na nakapagtala ng election-related incidents sa mga nakaraang halalan.
Ang buong Benguet ay nananatili naman sa green category o walang security concern o mapayapa ang eleksyon sa lalawigan.
Tiniyak naman ni 702nd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Krishnamurti Mortela na handa na ang kanilang deployment plan sa kanilang nasasakupan upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at tahimik na 2022 elections.