TUGUEGARAO CITY- Sinampahan na ng kasong may kaugnayan sa illegal logging ang pitong katao.

Sinabi ni PCAPT Ferdinand Datul, hepe ng PNP Tuao, Cagayan, agad silang nagsagawa ng operasyon nang may magbigay sa kanila ng impormasyon na may ibinabiyaheng mga tinistis na kahoy.

Nasabat ng kapulisan ang jeep na lulan ang pitong suspek at mahigit 1,900 board feet na red lawan na tinatayang nagkakahalaga ng nasa P100,000 sa Brgy. Angang.

Nabatid kay Datul na tubong Amasian, Pinukpuk, Kalinga ang mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Inaalam pa aniya nila kung saan dadalhin at kung saan galing ang mga nasabing kahoy.

Samantala, sinabi ni Datul na wala silang nakikitang foul play sa pagpapakamatay ng isang lalaki sa Brgy. Alabiao.

Sinabi ni Datul na bago ang pagbigti ni Lorenzo Tabangcura ay nagkaroon sila ng away ng kanyang live-in partner.

Ayon pa kay Datul, dati na rin umanong tinangka noon ni Tabangcura na magpakamatay.

Nakita ang bangkay ng lalaki na nakabitin sa kanyang silid gamit ang cord ng antenna.