Pitong katao ang namatay at 24 ang nasugatan sa dalawang pag-atake ng Israel sa isang lugar sa Beirut, ayon sa health ministry ng Lebanon.

Ang pag-atake ang pinakahuli sa tumitinding opensiba ng Israel sa Lebanon na kumitil sa nasa 1,200 katao at mahigit 1.2 million ang nawalan ng tirahan.

Nadamay ang Lebanon sa giyera sa Gitnang Silangan nang magpakawala ang Hezbollah ng rockets sa Israel bilang suporta sa Iran, dalawang araw matapos na atakehin ng Israel at Estados Unidos ang Iran.

Ayon sa militar ng Israel, naglunsad sila ng dalawang magkahiwalay na strikes kung saan tinarget ang senior Hezbollah commander at isa pang senior member ng isa pang grupo na konektado sa Iran sa Beirut, subalit hindi sinabi kung napatay ang mga ito.

Batay naman sa ulat ng state news agency NNA ng Lebanon, tumama ang isang strike sa isang sasakyan sa Khaldeh area sa timog ng Beirut, kung saan dalawang katao ang namatay at tatlo ang nasugatan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang ikalawang strike ay tumama din sa isang sasakyan sa Jnah area, kung saan limang katao ang namatay at 21 ang nasugatan.