Hinuli ang pitong pulis mula sa Manila Police District sa alegasyong pag-iimbento ng kaso may kaugnayan sa iligal na droga laban sa 49-anyos na lalaki at hinihingan ng P50,000 ang kanyang asawa.
Ang pag-aresto ay nag-ugat sa reklamo na inihain ng sinasabing suspek, na nagbunsod para sa isang operasyon laban sa mga nasabing pulis sa Police Station 5 sa Ermita, Manila kagabi.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kabilang sa mga hinuli ang isang leiutenant, tatlong staff sergeants, at tatlong patrolmen.
Sinabi ng NCRPO, inaresto ang nagreklamo noong June 20 dahil sa gawa-gawang kaso.
Idinagdag pa ng pulisya na habang nasa kustodiya ang suspek, hinihingan umano ng mga sangkot na pulis ng P50,000 ang asawa ng complainant kapalit ng kanyang kalayaan.
Sinabi pa ng pulisya, bagamat nakapagbayad ang complainant ng P20,000 sa pamamagitan ng mobile transfer, siya ay pinalaya nang walang kaso.
Nang malaman ng mga sangkot na pulis na may inihain na pormal na reklamo, ibinalik nila ang pera sa hangarin na maiwasan ang legal action.
Pitong mobile phones ang ginamit sa umano’y pangingikil, limang official police indentification cards, at screenshots ng digital transactions at pag-uusap ang nakuha sa operasyon.
Inilagay na sa restrictive custody ang mga nasabing pulis habang hinihintay ang kaso na isasampa sa kanila na robbery-extortion, grave threats, arbitrary detention, at mga paglabag sa Republic Act 3019, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, maging ang Presidential Decree 1829, na tungkol sa obstruction of justice.