Nirebisa ng Philippine National Police o PNP sa 25 ang bilang ng mga nasawi sa pinagsamang epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo, mula sa dating 26 matapos ang isinagawang validation.

Ayon kay PNP public information chief Col. Allen Rae Co, kabilang sa mga nasawi ang isang pulis. Pinakamataas ang naitalang bilang sa Cordillera, kung saan 15 ang nasawi dahil sa mga landslide sa La Trinidad at Baguio City sa Benguet.

Mayroon ding naitalang nasawi sa Rizal, Batangas, La Union, Pangasinan at Negros Occidental dahil sa pagguho ng lupa, pagkalunod, pagkakuryente at pagkahulog ng puno.

Mas mataas ang bilang ng PNP kumpara sa 21 nasawi na iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council. Ayon kay Co, maaaring magkaiba ang datos dahil sa magkakaibang pamantayan sa pagtukoy kung direktang dulot ng habagat o bagyo ang pagkamatay.

Samantala, 82 PNP personnel sa Metro Manila at Mimaropa ang naapektuhan ng pagbaha at ilang araw na pag-ulan.

-- ADVERTISEMENT --