Kinuwestyon sa pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan ang Police Provincial Office sa umano’y kawalan ng koordinasyon ng mga police units sa mga kasong naisasampa.
Ito’y may kaugnayan sa pagpatay sa dalawang Barangay Chairman sa bayan ng Tuao makalipas ang 2019 midterm election at iba pang mga kaso ng pagpatay sa lalawigan na kinasasangkutan ng riding in tandem criminals.
Sa pagharap ni LTCOL. Ramil Alipio, chief Provincial Investigation branch ng CPPO, inihayag ni 3rd district Board Member Mila Lauigan ang pagkadismaya sa tila pagpapabaya ng PNP matapos isampa ang kaso ay wala na itong koordinasyon sa ilang mga police units tulad ng SOCO, police station kung saan nangyari ang krimen at iba pa.
Ayon kay Lauigan, kailangang tuluy-tuloy ang imbestigasyon sa isang kaso at hiniling nito na magkaroon ng weekly o monthly update sa mga kasong hinahawakan ng pulisya.
Bagamat aminado, ikinatwiran ni Alipio na ito ay dahil sa paglipat sa ibang lugar ng police investigator.
Inihayag naman ni Ex-Officio Board Member Maila Ting Que, chairman ng Committee on Peace and Order ang pagkabahala nito sa serye ng mga pagpatay sa lalawigan kung saan nananatiling at-large ang mga suspek.
Ayon kay Alipio, naisampa na ang kaso laban sa suspek sa pagpatay kay Orlino Gannaban na Punong Barangay ng Lallayug, Tuao habang bigo pa rin ang pulisya na matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng suspek sa pagpatay kay Chaairman Remegio Dela Cruz ng Barangay Bugnay.
Sinabi ni Alipio na nahihirapan ang mga pulis na resolbahin ang kaso dahil sa kawalan ng kooperasyon ng pamilya ni Dela Cruz na posibleng natatakot.
Subalit ayon kay Lauigan, ang murder ay maituturing na public crime kung kaya maaaring imbestigahan ng pulisya kahit walang reklamo o partisipasyon ang pamilya ng biktima
Kasabay nito sinabi ni Alipio na upang matutukan nang husto ang kaso ng pagpatay kay Dela Cruz, binuo ng CPPO ang Special Investigation Task Group (SITG).
Kaugnay nito, hiniling ni Que sa PNP-Cagayan ang pagsusumite ng mga reports sa mga kaso ng pagpatay sa Sangguniang Panlalawigan kada kwarto ng taon.
Hindi nakadalo sa sesyon si Police Provincial Director Col Ignacio Cumigad, Jr dahil sa minagurasyon ng “Pulisya ti Umili” sa bayan ng Solana.
Nakatakdang bumalik sa susunod na sesyon ang opisyal ng Cagayan police sa susunod na pagdinig ng SP.