Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang mga nagpopondo sa malawakang operasyon ng cigarette smuggling sa bansa.

Sinabi ni Nartatez na marami nang nasabat at nakumpiskang ipinuslit na mga sigarilyo na kanilang na-monitor ng kanilang intelligence unit.

Ayon sa kanya, bagamat may mga naaresto na ring sangkot, iginiit niya na kailangan na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang financiers para mapanagot sila sa kanilang iligal na aktibidad.

Ang kautusan ay kasunod ng pagkakasabat ng Bureau of Internal Revenue at Highway Patrol Group (HPG)-Metro Manila ng ₱516 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo noong Biyernes.

Sinabi rin ni Nartatez na nadiskubre ng PNP-HPG ang humigit-kumulang ₱1.1 bilyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa isang anti-car theft operation sa Batangas City noong Disyembre 31, 2025.

-- ADVERTISEMENT --

Sa parehong araw, nasamsam din ng isa pang PNP-HPG team ang tinatayang ₱1.5 bilyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa isang dockyard sa Malabon City.

Ayon kay Nartatez, nakaayon ang kampanya ng PNP sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sugpuin ang katiwalian sa gobyerno at paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na kalakalan na nagdudulot ng malaking pagkawala sa kita ng buwis ng bansa.