Kinumpirma ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na isinailalim sa restrictive custody ang 15 pulis na sangkot umano sa kaso ng missing sabungeros.
Sinabi ni Torre na ang mga nasabing pulis ay nasa Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay Torre, nakipag-ugnayan na rin sila sa National Police Commission para sa mas malalim na imbestigasyon sa nasabing kaso.
Sinabi ni Torre na karamihan sa mga nasabing pulis ay nasa support units.
Ang ilan sa kanila ay mula sa iba’t ibang rehion, ang iba ay nasa area police command.
Isiniwalat din niya na noong siya pa ang pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sinimulan na ni alyas “Totoy” o ang whistleblower na si Julie Patidongan na makipag-usap sa mga pulis.
Gayunman, tumangging magbigay ng detalye si Torre kung paano lumapit si Patidongan sa CIDG.
Matatandaan na isiniwalat ni Patidongan, isa sa akusado sa pagdukot sa mga nasabing sabungero na ang 34 na sabungero ay itinapon umano sa Taal Lake sa Batangas.
Sinabi din ni Patidongan na ang mastermind sa nasabing kaso si businessman Atong Ang.
Subalit, mariing pinabulaanan ni Ang ang mga akusasyon laban sa kanya ni Patidongan.