Tinanggap ni Phi­lippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang hamon umanong suntukan ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Iginiit ni Torre na nakahanda raw siyang gawing charity event ang magiging boxing match nila ni Baste upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Ayon kay Torre, puwedeng gawin ang kanilang 12 rounds na laban sa Araneta sa Linggo, July 27, para mas marami silang malikom na pondo.

Matatandaan na hinamon ni Baste si Torre ng suntukan dahil umano sa pag-kidnap at pangha-harass nito sa kanilang pamilya.

Si Torre na dating director ng Criminal Investigation and Detection Group ang nanguna sa pagpapatupad ng arrest warrant kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong buwan ng Marso.

-- ADVERTISEMENT --

Sa podcast ni Baste nitong Linggo, sinabi niya na matapang lang umano si Torre dahil siya ay nasa posisyon, at binigyang-diin na matatalo niya ang PNP chief sa suntukan.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbangayan si Baste at Torre.

Si Torre, na noon ay major general o two-star rank, ay itinalaga na PNP chief noong buwan ng Hunyo, kung saan na-promote siya sa ranggong general o four-star rank.

Sinabi ni Baste na ang promosyon ni Torre ay hindi base sa merito at tumalon siya ng ilang ranggo para makuha ang posisyon.

Bilang sagot, sinabi ni Torre na itinalaga noon ng kanyang ama si dating PNP chief at ngayon ay Senator Ronald dela Rosa – na noon ay brigadier general o one-star rank lang bilang hepe ng PNP noong 2016.

Pinayuhan ni Torre ang pamilay Duterte na mag-move on na.