Nagsumite na complaint-affidavit sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang whistleblower at akusado na si Julie “Dondon” Patidongan laban sa 14 na aktibo at dating mga pulis na sangkot umano sa pagkawala at pagpatay sa mga sabungero.

Kabilang sa mga inireklamo ang isang Lieutenant General na dating hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na retirado na.

Sa press conference kahapon matapos na ihain ang reklamo, sinabi ni Patidongan na sangkot ang mga pulis na nakasaad sa kaniyang affidavit sa pagkuha sa mga nawawalang sabungero na dinala sa isang farm patungo sa Taal Lake.

Ayon kay Napolcom vice chairperson and executive officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, mahaharap ang mga pulis sa administrative charges para sa grave misconduct and conduct unbecoming of a police officer.

Plano ng Napolcom na makapaglabas ng desisyon sa naturang reklamo ni Patidongan sa loob ng dalawang buwan.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga pulis na tinukoy ni Patidongan sa kaniyang reklamo ay si retired Police Lieutenant General Jonnel Estomo, na naging hepe ng NCRPO.

Sinabi ni patidongan na miyembro ng alpha si estomo at siya umano ang nagmungkahi kay atong ang na patayin na siya.

Ayon sa kanya, ang mga miyembro ng alpha na nasa tatlong grupo ang naghahati hati ng kita sa 70 million kada buwan na kita sa e -sabong.

Sinabi rin ni Patindongan na sangkot din umano sa drug war killings ang mga pulis na sangkot sa missing sabungeros case.

Tatlo sa mga inireklamo ni Patidongan ang napag-alaman na nasibak na sa serbisyo.

Una rito, inihayag na 15 pulis ang isinailalim sa restrictive custody sa Camp Crame, Quezon City matapos silang iugnay ni Patidongan sa nawawalang mga sabungero.