
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nakahanda ito sa inaasahang mga kilos-protesta sa Setyembre 21, kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar.
Aabot sa 23,201 na pulis ang ipapakalat sa buong bansa para sa crowd control, checkpoint, border control, traffic management, drone operations, at support forces.
Sa Metro Manila, nakataas ang heightened alert status.
Batay sa kanilang pagtaya, mas mababa sa 10,000 katao ang makikilahok sa mga pagtitipon na isinusulong ng mahigit 200 sektor at simbahan upang kondenahin ang umano’y malawakang katiwalian sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kasabay nito, tiniyak ng PNP na igagalang ang karapatan sa malayang pagpapahayag habang nagpapatupad ng maximum tolerance upang mapanatili ang kaayusan.
Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa LTO, LTFRB, at MMDA para magbigay ng libreng sakay sa gitna ng transport strike.