
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na patuloy ang kanilang operasyon para matunton ang mga sangkot sa pagkalat ng sensitibong impormasyon ng mga imbestigador ng Office of the Ombudsman.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., paiigtingin pa ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng insidente at maprotektahan ang mga apektadong kawani.
Sinabi rin ng PNP na tinitingnan nila hindi lang ang mga posibleng panlabas na grupo, kundi pati ang posibilidad na may kinalaman ang ilang nasa loob ng ahensya.
Nagbabala ang kapulisan na ang mapatutunayang sangkot ay maaaring makasuhan sa ilalim ng Data Privacy Act of 2012 at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nauna nang kinondena ng Ombudsman ang paglabas ng impormasyon ng kanilang mga tauhan online. Ayon sa ahensya, maaaring magdulot ito ng panganib sa buhay ng kanilang mga imbestigador.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan ang Ombudsman sa National Bureau of Investigation at sa PNP Anti-Cybercrime Group para mapabilis ang pagtukoy at pag-aresto sa mga responsable.










