Kusang bumaba sa puwesto si Police Brigadier General Jessie Tamayao bilang Acting Director ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) matapos masangkot sa reklamong sexual harassment na inihain ng isang babaeng pulis.

Sa kaniyang pahayag, mariing itinanggi ni Tamayao ang paratang at iginiit na wala siyang kinalaman sa isinampang reklamo sa NAPOLCOM.

Aniya, posibleng isa itong personal vendetta na hindi niya alam ang pinagmulan.

Gayunman, kinilala ng opisyal ang bigat ng akusasyon at ang kahalagahan ng tiwala ng publiko sa kanilang tanggapan.

Dahil dito, nagpasya siyang bumaba sa kaniyang posisyon upang matiyak ang patas, walang kinikilingan, at transparent na imbestigasyon sa kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Tamayao na ang kaniyang pagbibitiw ay hindi pag-amin ng kasalanan, kundi pagpapakita ng paggalang sa due process at sa institusyon ng PNP.

Dagdag pa niya, sa loob ng mahigit 30 taong serbisyo, ngayon lamang siya naharap sa ganitong reklamo at pinaghirapan niyang marating ang kaniyang ranggo sa pamamagitan ng sipag at integridad.

Tiniyak din ng opisyal na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon upang malinis ang kaniyang pangalan, kasabay ng paniniwalang mananaig ang katotohanan sa tamang proseso.