
Isinasapinal na ng Philippine National Police (PNP) ang latag ng seguridad sa Senado para sa pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na pinaplantsa na ang lahat ng kinakailangang paghahanda kasabay ng paglilitis sa Bise Presidente.
Ayon sa pinuno ng pambansang pulisya, maliban sa National Capital Region Police Office (NCRPO), magtatalaga rin ng iba pang yunit upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa labas ng Senado.
Layunin nitong matiyak ang sapat na puwersa para sa regular na security rotations. Aniya, naka-deploy na ang mga tauhan ng NCRPO sa paligid ng Senado mula pa noong Mayo 11, kasunod ng muling paglutang ni Sen. Ronald dela Rosa at tangkang pagsilbi ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi rin ng PNP Chief na makikipag-ugnayan sila sa Senate Sergeant-at-Arms para sa mga security measure sa loob at labas ng kapulungan.
Makikipagtulungan din ang pulisya sa House Sergeant-at-Arms upang protektahan ang mga miyembro ng prosecution panel, habang handa rin silang magbigay ng security assistance sa mga pribadong abogado ng depensa.
Iginiit ng pamunuan ng PNP na batid nilang maaaring magdulot ng matinding emosyon sa magkabilang panig ng pulitika ang sitwasyon. Kaya naman, layunin nilang matiyak na magiging mapayapa ang buong proseso at maiiwasan ang anumang insidenteng magbabanta sa kaligtasan ng publiko.








