photo credit: tirso gador

TUGUEGARAO CITY-Patong-patong na kaso ang isasampa ng Philippine National Police sa mga miembro ng New Peoples Army (NPA) na kanilang nakasagupa noong araw ng Sabado, Agosto 15, 2020 sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Ayon kay Police Colonel Ariel Quilang, director ng Cagayan-PNP, grupo umano ng isang nagngangalang “Ka Miya” ang nakasagupa ng kanilang grupo sa Barangay Mabuno.

Aniya, ilan sa kanilang isasampang kaso laban sa mga makakaliwang grupo ay ang R.A 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law, R.A 9516 o Illegal Possession of Explosives at attempted murder.

Sinabi ni Quilang na nakuha sa lugar na pinangyarihan nang engkwentro ang isang unit ng Intratec submachine gun na may isang bala at iba’t-ibang uri ng bala.

Dagdag pa ni Quilang na sinunog din ng mga NPA ang limang motorsiklo na hiniram lamang ng kapulisan sa mga residente na ginamit papunta sa lugar dahil hindi na kayang makapasok ang kanilang sasakyan sa bulubunduking bahagi ng naturang barangay.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi na nagawang kunin ng mga pulis ang mga motorsiklo dahil sa pagmamadaling umatras nang makita na marami ang bilang ng mga NPA na kanilang nakasagupa.

Matatandaan,magsisilbi sana ng warrant of arrest ang PNP laban sa isang agta na itinuturing na top most wanted person sa lalawigan nang makita nila ang armadong grupo kaya pinapatukan nila ang mga ito hanggang nagkapalitan na ng putok ng baril ang dalawang grupo.

Naniniwala naman si Quilang na may nasugatan sa hanay ng NPA dahil sa bakas ng dugo na nakita sa pinangyarihan ng engkwentro habang wala namang nasugatan sa grupo ng pamahalaan.