Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na isang estudyante ang nagpanggap na “shooter” sa isang group chat at nagdulot ng alarma at pangamba sa seguridad sa La Salle Green Hills (LSGH) sa Mandaluyong City.

Ayon kay Mandaluyong City Chief of Police Colonel Rey Patam, nag-post ang estudyante sa Facebook at sinabing isa siyang shooter.

Nakarating sa mga awtoridad ang insidente matapos i-report ng mga estudyante ang mensahe sa kanilang mga magulang, na kalaunan ay ipinaabot naman sa mga opisyal ng paaralan.

Kasunod nito, naglagay ng karagdagang police presence sa loob ng school premises.

Sa pahayag ng LSGH, patuloy nilang sinusundan ang mga lead habang iniimbestigahan ang insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang pag-iingat, inilipat ng paaralan sa online modality ang lahat ng klase noong Huwebes.

Sinabi rin ng LSGH na agad kumilos ang mga concerned office at pinaigting ang security measures para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante sa kanilang pagbabalik sa paaralan.

Naka-deploy din sa lugar ang mga awtoridad kabilang ang PNP at mga opisyal ng barangay para magbigay ng seguridad at assistance.

Hinimok naman ng paaralan ang publiko na huwag magpakalat ng mga larawan o impormasyong hindi pa beripikado at sinabi nitong ang mga susunod na update ay ilalabas lamang sa kanilang official school platforms.